DAGAT-DAGATANG PUTIK
by Manuel Yturriaga

 Dumating ang unos, humapdi ang simoy, 
 Nagdilim ang langit, sumingaw ang amoy, 
 Lupa'y nalusaw, nagmistulang kumunoy, 
 Dagat-dagatang putik, baya'y nalunoy. 

 Binuwag ng pananakot ang ugnayan 
 Ng lasing sa hiram na kapangyarihan, 
 Bayang nagbigay... pinangangalandakan, 
 Ngayon sila'y gising sa katotohanan. 

 Nagkakulay itim ang liwasang bayan, 
 Isang sigaw ang pinagkakaisahan, 
 Trapo't walis ngayo'y pinaghahandaan, 
 Nitong pagsulong tungo sa kalinisan. 

 Ang mga tala'y sindak na nagtatalak, 
 Kauring hari'y nasasadlak sa lusak, 
 Gupo na'y nagsasalita pang palasak, 
 Isang tulak pa't bibitaw na sa hawak. 

 Masang nasilaw sa ningning at kintab, 
 Pagsisisi'y huli na't di tumatalab, 
 Mapang-uring lupon na nuo'y banayad, 
 Nagpapakabayaning bukas ang palad. 

 Sa bahay-anay puspusa'ng paglilitis, 
 Magkakatunggali'y hagisang-kamatis, 
 Sa liwasan hakutan ng dami'y tigib 
 Ng makabuluhan at huwad na panig. 

 Nang lumalatag, papalalim ang sugat 
 Ng mamamayang nasa dulo ng sukat. 
 Natutulog ba silang mga bathala... 
 Bakit silang kawawa'y di nalilingap? 

 Kangkunga'y lubog na't wala nang ring isda, 
 Sa dating batisang puno ng biyaya, 
 Ang naroroo'y dagat-dagatang putik, 
 Naglahong bukas sa matang nakapikit. 


SIMBULONG BATO 
by Manuel L. Yturriaga 

Paano bang magmahal sa bayan... 
Ang tulad mong isang mamamayan? 
Ang pagmamahal ba'y may sukatan 
Na dapat mo pang patutunayan? 

Bawat panaho'y mayr'ong bayani, 
Kung alimpuyo'y namamayani, 
Anghel siyang hulog ng luwalhati, 
Langit siyang maysugo't pumili. 

Dukha man o di kaya'y mayaman, 
Mangmang o ilaw ng karunungan, 
Budhing busilak, may kalinisan, 
Handang maglingkod para sa Bayan. 

Paningi'y walang kinikilingan, 
Prinsipyo'y di masasapawan 
Ng kinang ng gintong kayamanang 
Panghikayat ng kademonyohan. 

Miguel Arkanghel siyang aangat, 
Kung mayro'ng magbabantang katapat, 
Parang bulang mawawalang sukat 
Kung kapayapaa'y mayayakap. 

Pagyao'y may iiwang rebulto, 
Na inukit ng isang maestro, 
Alaalang gagabay sa tao, 
Ang nakatayong simbulong bato. 

Ikaw, ako, siya, sila't tayo... 
Kapwa tayong mga Pilipino, 
Huwag makipagpukulang-bato, 
Pagmamahal.... siyang iyukol mo. 
 

*Manuel L. Yturriaga is the pen name of Eduard P. Labadia, a native of Passi City, Iloilo who now resides in Jersey City, NJ. Ed took up commercial design at the UP College of Fine Arts in the 1960's and he is now engaged in fine arts serigraphy, a silk-screen process on canvas and paper surfaces, printing the original works of contemporary American and European artists like Michele Delacroix, Schim Schimmel, Frederick Phillips, to name a few. 
COVER
BACK
NEXT